Photo Credits |
Abot-tanaw ko na ang Polauan Port ng Dapitan. Sa wakas ay mararating ko na rin ang bayan na tanging sa aklat na Sibika at Kultura ko lamang naririnig. Siyempre, bilang isang AB History na estudyante, interesado rin ako sa maikling panahong ginugol ng paborito kong bayani na si Jose Rizal sa bayan na ito. Kinailangan ko pang pilitin ang pinsan ko na si Leah na samahan ako sa paglalakbay ko upang payagan ako nang aking ama na makapunta sa Dapitan. Nakapagdesisyon na rin kasi ako na gagawan ko nang Thesis ang naging buhay ni Jose Rizal sa loob nang apat na taon niyang pamamalagi sa bayan nang Dapitan.
Ayy… ako nga pala si Josephine Valdez at nasasabik na ako sa kung ano man ang matutuklasan ko sa Dapitan.
“Ang boring naman nang lugar na ‘to pinsan. Ang gulo-gulo pa ‘don sa daungan nila kanina,” reklamo ni Leah nang sa wakas ay makapasok na kami sa kwarto namin Pavilion Hotel na nasa tabing dagat lamang ng Sta. Cruz.
Agad kong binuksan ang bintana at tumambad sa aking paningin ang dalampasigan. Pumasok sa loob nang kwarto namin ang hanging nagmumula sa dagat. Napangiti ako sa aking nakita. Sadya kasing kaaya-ayang pagmasdan ang tanawin na iyon.
“Alam mo ba na ang Dapitan pala ay galing sa salitang “dapit”?” nakangiti kong sinabi sa kanya ngunit kumunot lamang ang noo niya. Napailing na lamang ako. Sadya talaga sigurong walang kapaki-pakialam itong pinsan kong ito sa kasaysayan. Palibhasa kasi ay computer ang laging kaharap niya. Hinila ko siya mula sa kamang kinahihigaan niya at dinala sa bintana. “Ang ibig sabihin kasi nang salitang iyon ay “pag-aanyaya”,” patuloy ko. Itinuro ko sa kanya ang buong dalampasigan. “Kita mo yang buong dalampasigan? Nakaporma siyang arko na parang mga bisig na nag-aanyaya o nag-iimbita,” dagdag ko pa sa kanya.
Tila naman nagka-interes si Leah dahil napangiti ito at tumango-tango.
Ilang sandali pa ay may kumatok na sa pintuan namin. Nang pagbuksan ko, iyong room boy lang pala at pinapaalam sa amin na iyong magto-tour sa amin ay naghihintay na sa amin sa veranda.
Napasimangot noon si Leah. Batid ko na gusto pa niyang magpahinga ngunit sadyang maikling panahon lang ang tatlong araw kaya wala kaming dapat sayangin na oras.
Nagbihis lang kami sandali bago kami bumaba at nakipagkilala doon sa mga magto-tour sa amin. Mga kakilala sila nang Department Chairman namin sa History.
“Ako nga pala si Bong, Bong Paterno,” pagpapakilala nang mas nakakatandang mama na sa aking tantiya ay parang nasa mga edad na trenta pataas. “Ito naman si Joriz,” pagpapakilala naman niya sa binatang kasama niya na sa tingin ko ay hindi naman nalalayo sa edad namin ni Leah. Sandali itong nag-angat nang tingin at nginitian kami ngunit agad ding yumuko. Batid naming nahihiya ito sa amin. Mayroon pa palang mga mahiyaing lalaki ngayon? Para ngang gusto kong matawa noon.
“Ito po ang pinsan kong si Leah at ako naman po si Josephine,” pagpapakilala ko.
“Pagpasensyahan niyo na itong si Joriz,” nakangising sabi ni Mang Bong habang tinatapik ang balikat ni Joriz. “Mahiyain talaga itong Rizal namin, lalo na pag may magagandang mga dalaga,” dagdag pa nito.
Nagkatinginan kami ni Leah noon. Paano naman kaya naging Rizal si Joriz?
Nagkamot nang batok si Joriz. Halatang nahihiya na ito sa mga pinagsasasabi ni Mang Bong.
“Bakit naman po siya naging si Rizal?” tanong ko sa kanya.
“Kasi ang buong pangalan nitong makisig namin ay Joriz Al,” sagot ni Mang Bong na sadyang nilakasan pa ang pagsalita sa apelyido ni Joriz. “Mas mabuti sigurong simulan na natin ang tour niyo,” pagkasabi noon iginiya niya kami palabas nang Pavilion at isinakay sa dala nilang sasakyan ngunit sadyang naging interesado ako sa kanina ko pa nakikitang mga traysikel na dumadaan kaya naman pinilit ko na lamang si Mang Bong na sa mag-arkila na lamang nang traysikel. Pinandilatan pa ako nang mata ni Leah sa pag-aakalang kung anu-ano na namang kalokohan ang pumapasok sa isip ko.
Namangha ako sa mga dami nang mga cottages at resorts sa tabi ng dagat na sadyang napakalapit lamang sa kalsada. “Hindi ba umaabot ang dagat sa kalsada pag may bagyo?” bigla pang naitanong ni Leah kay Mang Bong na napatawa lamang.
“Hangin at buhangin lang ang umaabot sa kalsada kapag bagyo hija,” sagot nito.
Napatingin ako kay Joriz na noon ay tahimik na nakaupo sa likuran nang drayber. Nginitian ko siya nang napatingin siya sa akin ngunit agad siyang umiwas nang tingin ngunit nahuli ko na pinamulahan siya nang pisngi. Ano ba ‘tong lalaking ‘to? Parang lalakeng bersyon ni Maria Clara. Kulang na lang ay magtakip nang paypay sa mukha.
Tumigil ang traysikel sa lugar na dinaungan ni Rizal nang siya ay itinapon sa Dapitan. May nakatayo siyang rebulto doon kasama nang mga kawal na naghatid sa kanya. Nasa tabing dagat lamang iyon kaya hindi rin kalayuan sa mga resorts, cottages at mga restaurants. Karugtong din nang kalyeng naroon ay patungo sa Unibersidad na ipinangalan kay Rizal.
Nagkwento pa si Mang Bong tungkol sa lugar na iyon at kung kalian lamang pinatayo ang mga rebulto doon. Natuwa pa akong pagmasdan si Leah dahil tila naging interesado ito masyado. Palibhasa kasi ay hindi pa siya kumukuha nang Rizal na subject kaya nakanganga na lamang siya ngayon habang nakikinig kay Mang Bong.
Binaling ko ang tingin kay Joriz at laking gulat ko na lang nang makitang kinukunan niya pala ako nang litrato gamit ang dala kong camera. Huling-huli ko kung paano siya biglang nataranta at agad na ibinaba ang camera.
“Pasensya na po ma’am,” nahihiya niyang sabi.
“Okay lang. Tingnan ko nga iyang kuha mo?” Sabi ko ngunit inilayo niya ang camera.
“Mamaya niyo na po tingnan ma’am.”
“’Wag mo na akong tawaging ma’am. Magkasing-edad lang naman yata tayo,” sabi ko sa kanya. “Disenuebe pa lang ako. Ikaw? Ilang taon ka na ba?”
Nagkamot siya nang batok niya. “Bente.”
“Kita mo? Dapat pa nga ako ang nagku-kuya sa iyo.”
“Uiiii… may nagkakamabutihan,” nakangising tukso sa amin ni Mang Bong nang matapos na siyang magkwento kay Leah. “Talagang Rizal na Rizal talaga ‘tong si Joriz oh, mabilis sa dalaga,” siniko pa niya ang binata.
Isang makahulugang tingin ang pinukol sa akin ni Leah ngunit pinandilatan ko lamang siya. Nakikipagkaibigan lang naman ako kay Joriz.
“Kuya Bong talaga oh, ako na naman nakita mo. Tara na nga!” pagkasabi noon ay nauna nang sumakay si Joriz sa traysikel. Gusto ko pa ngang matawa sa inasal niya. Daig pa niya ang babae sa reaksyon niya.
Mag-aalas tres y medya na nang hapon nang makarating kami sa plaza. Naroon sa gitna ang rebulto ni Rizal. Sa gawing kanan nang plaza ay ang Cathedral at sa kaliwa nito ay ang paaralang sentral. Sa harap nang plaza ay ang Cultural Center at ang dating City Hall. Napapaligiran ang plaza nang naglalakihang mga Oak Tree na sa tantiya ko ay higit isandaang taon nang nakatanim doon. Ayon kay Mang Bong ay itinanim daw iyon ni Rizal noon gamit ang perang napanalunan niya sa lotto. Ang mga punong iyon daw ang nagsilbing mga sabitan nila nang lampara upang magkailaw sa gabi ang nayon.
Dumiretso kami sa simbahan pagkatapos naming libutin ang plaza at sa harapan nang simbahan ay naroon ang tinatawag na Relief Map ng Mindanao. “Wow! Ito pala iyon! Nakikita ko lang to sa libro dati,” nasabi ko.
Nakita ko pang nakangiting umiiling-iling si Joriz bago niya itinaas ang camera upang kunan kami nang litrato ni Leah. Sandali pang nagkwento si Mang Bong kung paano ginamit ni Rizal ang Relief Map sa pagtuturo sa kanyang mga estudyante noong panahon nang Kastila. Dumiretso na rin kami sa simbahan dahil napakalapit lang din nito sa Relief Map. Ayon kay Mang Bong ay dinurog na mga kabibe diumano ang mga ginamit nang itayo ang napakalaking St. James Cathedral na iyon.
Katapat nang St. James Cathedral ay isang pribadong paaralan na nakapangalan na naman kay Rizal. Naisip ko tuloy, lahat na lang yata doon ay nakapangalan kay Rizal.
Magdidilim na nang bumalik kami sa Sta. Cruz at naghapunan sa isang Kamayan na restaurant na nasa tabing
dagat lang din. Nang magyaya si Leah na mag-night swimming ay hindi na ako tumanggi lalo pa at kukunting panahon lang din naman ang ilalabi namin doon.
Dahil malayo-layo daw ang uuwian ni Mang Bong ay ibinilin na lamang kami ni Mang Bong kay Joriz at sa isang dalagang kasamahan nila na dumating upang samahan kami. Nasa labas lang naman kami nang hotel kaya malapit lang din ngunit ayon kay Mang Bong, mas mabuti na daw iyong panatag ang loob niya dahil may kasama kami pagkaalis niya. Sa kanya kasi ako binilin nang Chairman ko sa departamento namin.
“May ibibigay nga pala ako sa iyo Josephine,” ani Joriz nang maupo siya sa tabi ko.
Kunot-noo akong napatingin sa kanya. Dahil sa ilaw nang bonfire, nakita kong may dinukot siya mula sa bulsa nang kanyang cargo pants.
“Ha? Ano naman iyon?” Sa totoo lang, simula nang makilala ko siya nang araw na iyon, iba na talaga ang napapansin ko sa kanya. Nahihiwagahan ako sa kanya. Masyado kasi siyang mahiyain at tahimik. Hindi ko nga maintindihan kung bakit sinama pa siya ni Mang Bong.
Inabot niya sa akin ang lumang kwaderno na sa tantiya ko ay ilang beses nang nalukot at isinuksok kung saan-saan. “Ang sabi ni Mang Bong, kaya ka daw nandito dahil gagawan mo nang thesis ang buhay ni Rizal dito sa Dapitan?”
Tumango-tango ako.
“Siguro magagamit mo ‘to. Notebook ko iyan mula highschool hanggang sa kumuha ako nang Rizal’s Life na subject noong pagkacollege ko,” sabi niya. “Pasensya ka na kung medyo lukot-lukot na iyan. Isipin mo na lang, panahon pa yan nang Kastila,” nakangiti niyang sinabi ngunit sa nakatitig siya sa apoy.
“Maraming salamat Joriz.”
“Uiii…” napailing na lang ako nang marinig ko ang boses ni Leah. Papalapit na siya sa amin kasabay si Cathy, yung pinasama sa amin ni Mang Bong. “Unang araw pa, nagkakamabutihan na kayo ha…Ang bilis ah,” kantiyaw niya sa amin.
Napatingin ako noon kay Joriz. Umasa ako na tatawa siya o di kaya ay sasawayin si Leah ngunit wala akong narinig. Nakayuko lamang siya at bahagya pang dumistansiya.
“Nagkukwentuhan lang kami,” sagot ko.
Pabirong sinuntok ni Cathy sa balikat si Joriz. “Ui…Rizal ka na talaga ngayon ha…,” kantiyaw nito sa kanya. “Marunong ka nang makipag-usap sa babae,” dagdag nito bago naupo sa gitna namin at bumaling sa akin. “Di ba Josephine pangalan mo?”
Tumango ako.
“Akalain mo iyon? Di ba Josephine Bracken ang pangalan nang asawa ni Rizal?”
Pakiramdam ko ay pinamulahan ako nang pisngi dahil naramdaman kong nag-init ang pisngi ko. Bakit nga ba hindi ko naisip iyon? Ngunit bakit ko nga ba naman iisipin iyon? Tawa pa nang tawa si Leah dahil sa sinabi ni Cathy. Napagka-isahan pa kami. Para namang walang naging reaksyon si Joriz sa narinig. Sa halip ay tumayo lang ito at nagpaalam na kukuha nang maiinom. Nang bumalik siya ay nasa dagat na kaming tatlo at nagtatampisaw. Naupo lamang siya sa harap nang bonfire at pinagmasdan kami.
Mag-aalas otso na nang magdisesyon kaming umahon at bumalik na sa kwarto namin. Kailangan na rin kasing umuwi ni Cathy sa boarding house nito.
“Anong tingin mo kay Joriz?” bigla-biglang naitanong ni Leah sa akin nang gabing iyon habang hinahalungkat niya ang mga larawan sa camera ko at binabasa ko naman ang lukot na notebook ni Joriz tungkol kay Rizal.
Sandali akong nag-alangang sumagot ngunit dahil sa takot na kantiyawan ako ni Leah ay sinabi ko na lamang ang unang bagay na pumasok sa isip ko. “Okay naman siya. Mabait naman siya pero sobra lang na tahimik at mahiyain. Mas babae pa kaysa sa ‘tin. Ba’t mo naman naitanong?”
Isang makahulugang tingin ang ipinukol ni Leah sa akin. “Bakit ano bang gusto mo? Yung nakikipagmabutihan talaga sa iyo?”
Nakagat ko ang labi ko sa sinabi ni Leah. Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin ngunit bakit ganoon ang pagkakaintindi niya. “Hindi no!”
“Kung ganoon, ayaw mo sa kanya?”
“Hindi naman sa ganoon…”
“Eh ano pala? Ba’t masyadong negatibo ang tingin mo sa pagiging tahimik at mahiyain niya? May gusto ka sa kanya ano?” sunod-sunod na tanong ni Leah. “Aminin…”
Napasimangot na lamang ako. Hindi na ako nagsalita. Wala rin naman kasi akong magagawa kahit pa makigpagtalo ako sa kanya. “Pero seryoso pinsan, sa tingin ko, may gusto sa iyo yun si Rizal.”
Kunot-noo akong napatitig sa kanya. Mukhang nahawa na siguro si Leah kay Mang Bong at kay Cathy dahil Rizal na rin ang tawag niya kay Joriz.
“Kasi, ikaw lang yata nakikita niya dito sa camera mo oh,” ani Leah sabay taas nang camera at ipinakita sa akin ang ilang mga nakaw na kuha.
Hindi ko rin alam kung bakit ngunit natulog akong nakangiti noong gabing iyon at alam kong marami pang mangyayari kinabukasan.
Alas diyes nang umaga nang umalis kami at magtungo na sa Talisay. Pumunta kami sa mismong Rizal Park. Ito ang mismong lugar kung saan tinayo ni Rizal ang bahay, paaralan, klinika at kung anu-ano pa. Pawang mga replica na lamang ang mga nakatayong bahay ngunit ang wishing well at ang mismong dam na itinayo niya para sa supply nang tubig nang Dapitan ay naroon pa rin. Naroon din sa dam ang iskultura ni Josephine Bracken at nang kanyang matalik na kaibigang si Ferdinand Blumentritt. Nasa tabi nang dalampasigan ang lugar kaya sadyang napakaganda at presko nang hangin doon. Naglakad kami sa foot trail at nilibot ang buong parke. May mga nakita pa kaming mga babae’t lalake na nakasuot nang mga Filipiniana na custome. Ayon kay Mang Bong ay mga Rizaliana diumano ang mga grupong iyon. Isang relihiyong sumasamanpalataya kay Rizal. Maraming kwento si Mang Bong habang nasa daan kami. Si Joriz pa rin ang may dala nang camera at pinariringgan pa siya minsan ni Leah.
“Camera ka ba? Kasi, pag nakikita kita, napapangiti ako,” kasabay noon ay magtatawanan sila ni Mang Bong na para bang wala silang ibang kasama.
Pumasok kami sa loob nang isang opisina kung saan may mga bentang souvenirs. Sa isang hall ay may film showing nang buhay ni Rizal. Hindi na kami nanood dahil kabisado ko na rin naman na lahat nang nasa pelikula mula pa noong kay Joel Torre na bersyon hanggang sa naging si Albert Martinez at kay Cesar Montano. Sa halip ay tumingin-tingin kami sa mga larawang nakadisplay. Karamihan sa mga larawan ay mga larawan nang mga babae. Ito na nga siguro ang nababalitang mga naging karelasyon ni Rizal mula sa una niyang pag-ibig na si Leonor hanggang kay Josephine.
“Sabi nila, babaero siya pero hindi naman talaga. Mga kaibigan lang niya ang karamihan niyan,” napalingon ako nang biglang sumulpot si Joriz sa likuran ko.
Hindi rin kami gaanong nagtagal doon. Sandali kaming sumilip sa sikat na Dakak Resort at bumalik agad sa sentro ng Dapitan. Madilim na nang makabalik kami sa Sta. Cruz kaya dinala nila kami sa Fantasy Land sa loob nang Gloria de Dapitan. Ang Fantasy Land daw ay ang Enchanted Kingdom nang Mindanao. Napakaraming rides. Hindi na sumama sa amin si Mang Ador dahil tulad nang naunang gabi, malayo ang uuwian niya kaya muling dumating si Cathy upang samahan kami. Hindi ko rin alam kay Leah kung nag-iinarte lang o may kalokohang iniisip dahil bigla na lang nawala habang kasama si Cathy. Nagkahiwalay kasi kami sa mga rides na sinakyan namin. Nagulat na lang ako nang magtext siya sa akin at sinabing nasa hotel na siya.
“Uwi na tayo pagkatapos nito,” binasag ko ang katahimikang ilang oras na ding naghari sa aming dalawa ni Joriz. Sakay kami noon nang Ferris Wheel at nasa tuktok na kami nang bigla itong tumigil para sa fireworks.
Tumango lamang siya. Nang makababa na kami, wala pa rin siyang imik. “Alam mo Joriz, binigyan tayo nang dila nang Diyos para makapagsalita tayo,” sabi ko.
Nagkamot lang siya nang batok at ngumiti. Noon din at napailing na lamang ako. Sadyang wala na talagang pag-asa ang lalaking ito.Naubus ang pasensya ko sa kanya kaya nang makarating kami sa hotel ay hindi ko pa rin siya inimikan kahit paalam man lang.
Nang makita ni Leah na nakasimangot ako nang dumating ako sa kwarto ayy hindi na siya nagtanong. Basta ang huling naalala ko lang nang gabing iyon bago ako makatulog ay ang tanging mga salitang narinig ko mula kay Joriz.
“Sabi nila, babaero siya pero hindi naman talaga. Mga kaibigan lang niya ang karamihan niyan.”
Malungkot. Iyon lamang ang tanging salitang nailarawan sa araw na yon nang gumising ako. Uuwi na kami nang araw na iyo. Magpapaalam na kami ni Leah sa Dapitan. Babalik na kami nang Cebu.
Naghihintay na sa amin si Mang Bong sa lobby nang lumabas kami. Nagpalingon-lingon ako pero ni anino ni Joriz ay hindi ko nakita.
“Paano ba iyan Josephine, mukhang wala kang Rizal ngayon,” kantiyaw na bulong ni Leah sa akin.
“Aanhin ko ba ang piping iyon?” mataray kong sagot sa kanya.
“Ako na lang ang maghahatid sa inyo sa port. Mukhang sumabit sa kung saan si Rizal,” ani Mang Bong sabay bitbit sa mga maleta namin ni Leah.
Sasakay na sana kami sa kotse ni Mang Ador nang may humintong motorsiklo sa tapat nang hotel.
“Oh mabuti’t nakahabol ka ‘riz,” si Mang Bong.
Hindi ko siya pinansin. Inasikaso ko ang pag-aayos nang mga gamit namin sa loob ng kotse kahit hinihila-hila na ni Leah ang suot kong damit.
“Anong oras po ang alis ng barko Kuya Bong?”
“Alas kwatro pa naman,” inunahan pa talaga ni Leah na sumagot si Mang Bong.
Sandaling sinipat ni Joriz ang kanyang relo bago ibinaling sa akin ang tingin. “Pwede ko po bang ipasyal saglit si Josephine? Ala una pa naman po eh,” paalam niya sa matanda.
Tila ako nabingi sa narinig. Tama kaya yon? Ako? Yayayain niyang mamasyal?
“Oo naman, pwedeng-pwede, bibili pa naman kami nang Spanish Sardines at talaba ni Mang Bong eh so may oras pa. Ihabol mo na lang siya sa barko mamaya,” pagkasabi noon ay itinulak na ako ni Leah papunta kay Joriz.
Wala kaming imik nang makarating kami sa likod nang Rizal Memorial Institute. Kinabahan pa ako nang hilahin niya ako patungo sa isang malapad na hagdan pataas at nagbayad nang sampung peso sa lalaking nagbabantay sa gilid.
“Hindi mo pa ‘to napupuntahan. Ang Ilihan Hill,” nakangiti niyang sinabi. Noon ko lang nakita na may kagwapuhan din naman pala ang piping Rizal na ito kapag nakita mong ngumiti nang malapitan. Noon din ay nawala ang inis ko sa kanya.
Hindi ko naramdaman ang pagod sa pag-akyat habang nakikinig kay Joriz. Kinuwento niya ang kasaysayan nang Ilihan at kung ano ang naging silbi nito sa panahon nang giyera noong unang panahon. Ibang Joriz ang nakita ko nang mga oras na iyon. Nagkwentuhan kami, nagtawanan at naglokohan pa. Tuluyang nawala ang pagod ko nang marating namin ang tuktok nang Ilihan Hill. Kitang-kita ko ang buong siyudad nang Dapitan.
Sayang at kinailangan naming umalis din agad upang pumunta na sa pier pero mabuti na rin iyon at kahit papaano ay nakilala ko ang nagsasalita, tumatawa, at nagbibirong si Joriz.
Habang papalayo na ang barko sa Polauan, binuksan ko lumang kwaderno ni Joriz at noon ko lang nalaman na may nakasulat pala roon na para sa akin sa huling pahina.
Josephine,
Okay lang maging camera ako basta ikaw lang lagi ang kukunan ko nang litrato.
Hanggang sa muling pagkikita,
RIZAL
-----Ang maikling kwentong ito ay opisyal na kalahok sa Saranggola Blog Awards 2012 -----
No comments:
Post a Comment